Kung tutuusin, si Bantay ang original gangster.
Bago pa ipatayo ang estasyon ng pulis dito sa pusod ng Maynila, nandito na si Bantay. Isa siya sa anim na tutang iniluwal ng kanyang inang walang pakundangan sa pakikipagkangkangan sa kung sinu-sinong aso. Sa kanilang anim na magkakapatid, siya na lang ang buhay pa.
Hindi siya ang pinakamalusog o pinakamalakas na tuta sa kanilang magkakapatid, pero si Bantay ang pinaka-wais. Tuwing pasususuin sila ng kanilang ina, itinutulak at tinatahulan ni Bantay ang mas maliliit na tuta kaysa sa kanya. Dinidikitan naman ni Bantay ang mas malalakas na tuta, sinisiksik at sinisiksik hanggang sa kusang mapagod at umalis ang mga kapatid. Tuwing natityempohan ni Bantay ang inang katatapos lang makipagtalik sa mga galising gala, kinakagat ni Bantay ang suso nito, sinisipsip ang lahat ng nutrisyon. Inuubos niya ang gatas hindi dahil nagugutom siya kundi para wala nang makuha ang mga kapatid.
Ngayon, matandang aso na rin si Bantay– walang silbi sa marami at madalas kinatatakutan pa ng mga bata dahil sa gusgusin niyang itsura. Pakalat-kalat na lang siya ngayon at nakikitulog sa sahig ng estasyon ng pulis dahil malamig ang sahig dito– di katulad doon sa kalsada kung saan mainit at dumadagsa at napakaramin paa.
“Bantay,” ang ipinangalan sa kanya ng mga pulis, pero ang totoo, ang sarili niyang sikmura na lang ang kanyang kayang bantayan pa.
(Wala siyang imik nang kunin ko ang litratong ito. Dahil may takot ako sa mga aso, mula sa malayo ko na lang kinuha ang litrato. Nginitian naman ako ng mamang pulis sa pag-aakalang siya ng kinukuhanan ko, at hindi ang aso sa kanyang paanan.)

