Reyna ng Kalsada

Nasa hulihan siya ng parada, sa pinakadulo. Wala na siyang kasunod kundi ang banda ng mga lalaking teenager na may kanya-kanyang torotot o tambol. Pinipilit niyang humabol sa ibang reyna elena.

Sa unahan ng parada ang pinakamagagandang reyna– mga dalagang makikinis ang kutis at tuwid ang mga ngipin. Lahat ng mata ng manonood ay nakapako sa kanila. Todo ngiti sila, abot tenga. Napapabuntong-hininga ang mga tao sa bawat pagkembot nila.

Samantala, nasa hulihan siya. Mataas na ang araw ng tanghaling tapat. Pinagpapawisan na silang lahat, pero magaganda pa rin ang mga reyna sa harapan ng parada. Siya nama’y nanlilimahid sa tumatagaktak niyang pawis. Hirap na hirap siyang sumabay sa saliw ng musika. Makati ang costume na suot niya. Hinihingal siya sa pagsayaw.

Tuwing tumitigil ang parada, panandaliang pahinga. Nagsasama-sama ang mga dalaga sa silong ng puno, pinapaypayan ang mga sarili. Ang mga lalaki nama’y nakikisilong sa isang tindahan, naghahati-hati sa isang supot ng sopdrinks.

Manaka-nakang tinutugtog ng isa sa mga lalaki ang tono ng funeral march sa kanyang torotot bago magsimula muli ang parada.

Tuwing may maririnig siyang hagikgik mula sa mga manonood, pakiramdam niya na siya ang pinagtatawanan. May bumulong mula sa likuran na yumayanig ang lupa, sakto naman sa kanyang pagkembot. Kahit sa pagpapatahi ng costume para sa parada, siya ang may pinakamalaking bayarin dahil maraming tela raw ang ginamit ng sastre.

Nakapikit ang kanyang mga mata habang sumasayaw sa huling tugtugin ng banda bago matapos ang parada.

(Samantala, nakaubos na ako ng dalawang rolyo ng film sa pagkuha ng litrato niya.)

Advertisement

Leave a Comment

Filed under writing

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s